Docsity
Docsity

Prepare for your exams
Prepare for your exams

Study with the several resources on Docsity


Earn points to download
Earn points to download

Earn points by helping other students or get them with a premium plan


Guidelines and tips
Guidelines and tips

Lecture about Kontesktwalisadong Komunikasyon, Assignments of Molecular biology

Kubg paano maayos Kontesktwalisadong Komunikasyon sa Filipino

Typology: Assignments

2019/2020

Uploaded on 09/08/2020

andrei-nilay
andrei-nilay 🇵🇭

3 documents

1 / 343

Toggle sidebar

This page cannot be seen from the preview

Don't miss anything!

bg1
DRAFT
March 31, 2014
Edukasyon sa Pagpapakatao, Baitang 9, Modyul 1 Pahina 1
Edukasyon sa Pagpapakatao
Baitang 9
Unang Markahan
MODYUL 1: LAYUNIN NG LIPUNAN: KABUTIHANG PANLAHAT
A. ANO ANG INAASAHANG MAIPAMAMALAS MO?
Huwag kang makialam! Hindi mo pa yan dapat pinakikialaman, bata ka pa! Naalala
mo pa ba ang mga linyang ito mula sa mga magulang mo noon? May mga bagay sa iyong
paligid noon na hindi mo maaaring pakialaman dahil bata ka pa; pero lumilipas ang panahon
at nagbabago ang maraming bagay. Darating talaga ang pagkakataong mas mahalaga para
sa isang kabataang katulad mo ang makialam.
Napapansin mo ba ang sarili mo sa kasalukuyan? Marami ka na bang napapansing
mga pagbabago? Nag-iiba na ba ang mga reaksyon mo sa mga nangyayari sa iyong paligid
tulad ng mga balita at mga isyung nangingibabaw sa media? Kung OO ang sagot mo sa
mga tanong na ito, ibig sabihin ay lumalabas na sa iyong sarili ang iyong pagtingin, mayroon
ka ng pakialam sa iyong lipunan. Nakikilala mo na hindi ka lamang nabubuhay para sa iyong
sarili at para sa iyong pamilya, na mayroong mas malawak na mundong iyong
kinabibilangan at ikaw ay isang mahalagang bahagi nito. Kung HINDI naman ang iyong
sagot, huwag kang mag-alala at darating din ang pagkakataong mababago ang iyong
pananaw sa buhay. Maaaring naghihintay lamang ito ng tamang pagkakataon. Maaaring
makatulong nang malaki sa iyo ang mga aralin sa baitang na ito.
Sa dalawang taon mo ng pag-aaral ng Edukasyon sa Pagpapakatao, nagkaroon ka
ng pagkakataong masuri ang iyong pananagutan sa sarili at sa iyong kapwa. Ngayong taon
naman ay mamumulat ang iyong mga mata sa lipunang iyong ginagalawan. Napag-aralan
mo sa asignaturang Araling Panlipunan ang maraming bagay tungkol sa lipunan, ang
kahulugan nito, layunin at marami pang iba. Sa pagkakataong ito’y mauunawaan mo ang
pagkakaiba at pagkakaugnay nito sa mga aralin sa Edukasyon sa Pagpapakatao sa baitang
na ito.
Sa modyul na ito ay inaasahang masasagot mo ang mahalagang tanong na: Paano
makakamit at mapananatili ang kabutihang lahat? Bakit ba mahalagang ito ay
makamit at mapanatili? Nakahanda ka na bang makaalam at makialam sa lipunan? Tara
na!
pf3
pf4
pf5
pf8
pf9
pfa
pfd
pfe
pff
pf12
pf13
pf14
pf15
pf16
pf17
pf18
pf19
pf1a
pf1b
pf1c
pf1d
pf1e
pf1f
pf20
pf21
pf22
pf23
pf24
pf25
pf26
pf27
pf28
pf29
pf2a
pf2b
pf2c
pf2d
pf2e
pf2f
pf30
pf31
pf32
pf33
pf34
pf35
pf36
pf37
pf38
pf39
pf3a
pf3b
pf3c
pf3d
pf3e
pf3f
pf40
pf41
pf42
pf43
pf44
pf45
pf46
pf47
pf48
pf49
pf4a
pf4b
pf4c
pf4d
pf4e
pf4f
pf50
pf51
pf52
pf53
pf54
pf55
pf56
pf57
pf58
pf59
pf5a
pf5b
pf5c
pf5d
pf5e
pf5f
pf60
pf61
pf62
pf63
pf64

Partial preview of the text

Download Lecture about Kontesktwalisadong Komunikasyon and more Assignments Molecular biology in PDF only on Docsity!

DRAFT

March 31, 2014

Edukasyon sa Pagpapakatao

Baitang 9

Unang Markahan

MODYUL 1: LAYUNIN NG LIPUNAN: KABUTIHANG PANLAHAT

A. ANO ANG INAASAHANG MAIPAMAMALAS MO?

Huwag kang makialam! Hindi mo pa ‘yan dapat pinakikialaman, bata ka pa! Naalala mo pa ba ang mga linyang ito mula sa mga magulang mo noon? May mga bagay sa iyong paligid noon na hindi mo maaaring pakialaman dahil bata ka pa; pero lumilipas ang panahon at nagbabago ang maraming bagay. Darating talaga ang pagkakataong mas mahalaga para sa isang kabataang katulad mo ang makialam. Napapansin mo ba ang sarili mo sa kasalukuyan? Marami ka na bang napapansing mga pagbabago? Nag-iiba na ba ang mga reaksyon mo sa mga nangyayari sa iyong paligid tulad ng mga balita at mga isyung nangingibabaw sa media? Kung OO ang sagot mo sa mga tanong na ito, ibig sabihin ay lumalabas na sa iyong sarili ang iyong pagtingin, mayroon ka ng pakialam sa iyong lipunan. Nakikilala mo na hindi ka lamang nabubuhay para sa iyong sarili at para sa iyong pamilya, na mayroong mas malawak na mundong iyong kinabibilangan at ikaw ay isang mahalagang bahagi nito. Kung HINDI naman ang iyong sagot, huwag kang mag-alala at darating din ang pagkakataong mababago ang iyong pananaw sa buhay. Maaaring naghihintay lamang ito ng tamang pagkakataon. Maaaring makatulong nang malaki sa iyo ang mga aralin sa baitang na ito. Sa dalawang taon mo ng pag-aaral ng Edukasyon sa Pagpapakatao, nagkaroon ka ng pagkakataong masuri ang iyong pananagutan sa sarili at sa iyong kapwa. Ngayong taon naman ay mamumulat ang iyong mga mata sa lipunang iyong ginagalawan. Napag-aralan mo sa asignaturang Araling Panlipunan ang maraming bagay tungkol sa lipunan, ang kahulugan nito, layunin at marami pang iba. Sa pagkakataong ito’y mauunawaan mo ang pagkakaiba at pagkakaugnay nito sa mga aralin sa Edukasyon sa Pagpapakatao sa baitang na ito.

Sa modyul na ito ay inaasahang masasagot mo ang mahalagang tanong na: Paano makakamit at mapananatili ang kabutihang lahat? Bakit ba mahalagang ito ay makamit at mapanatili? Nakahanda ka na bang makaalam at makialam sa lipunan? Tara na!

DRAFT

March 31, 2014

Sa modyul na ito, inaasahang maipamamalas mo ang mga sumusunod

na kaalaman, kakayahan, at pag-unawa:

1.1. Natutukoy ang mga elemento ng kabutihang panlahat 1.2. Nakapagsusuri ng mga halimbawa ng pagsasaalang-alang sa kabutihang panlahat sa pamilya, paaralan, pamayanan o lipunan 1.3. Naipaliliwanag ang Batayang Konsepto 1.4. Naisasagawa ang isang proyektong makatutulong sa isang pamayanan o sektor sa pangangailangang pangkabuhayan, pangkultura, at pangkapayapaan

Narito ang mga kraytirya ng pagtataya ng output sa Kasanayang

Pampagkatuto 1.4:

a. Makabuluhan ang isinagawang proyekto para sa pagkamit ng layunin ng lipunan b. Maayos ang pagpaplano para sa pagsasagawa ng proyekto c. Maayos ang implementasyon ng proyekto d. Nakilahok/Nakibahagi ang lahat ng kasapi ng pangkat e. May kalakip na komprehensibong dokumentasyon at pagninilay

Paunang Pagtataya

Panuto: Basahing mabuti ang bawat pangungusap at unawain ang tanong. Piliin ang

pinakaangkop na sagot at isulat ang titik nito sa sagutang papel.

  1. Ayon kay Dr. Manuel Dy, isang propesor ng Pilosopiya sa Ateneo de Manial University, binubuo ng tao ang lipunan at binubuo ng lipunan ang tao. Ito ay nangangahulugang: a. Ang tao ang gumagawa sa lipunan at kaalinsabay nito ay ang lipunan at hinuhubog ng lipunan ang mga tao b. Ang tao ang bumubuo sa lipunan dahil mula sa kaniyang pagsilang ay nariyan na ang pamilyang nag-aaruga sa kaniya; binubuo ng lipunan ang tao dahil matatagpuan ang tao sa lahat ng bahagi nito.

DRAFT

March 31, 2014

  1. “Huwag mong itanong kung ano ang magagawa ng bansa para sa iyo, kundi itanong mo kung ano ang magagawa mo para sa iyong bansa.” Ang mga katagang ito ay winika ni: a. Aristotle b. St. Thomas Aquinas c. John F. Kennedy d. Bill Clinton
  2. Ano ang tunay na layunin ng lipunan? a. kapayapaan b. kabutihang panlahat c. katiwasayan d. kasaganaan
  3. Ano ang kabutihang panlahat? a. Kabutihan ng lahat ng tao b. Kabutihan ng mga pangkat na kasapi ng lipunan c. Kabutihan ng bawat indibidwal na kasapi ng lipunan d. Kabutihan ng lipunang nararapat bumalik sa lahat ng mga kasapi nito
  4. Ang tunguhin ng lipunan ay kailangang pareho sa tunguhin ng bawat indibidwal. Ang pangungusap ay: a. Tama, dahil sa pagkakataon na ganito lamang matitiyak na makakamit ang tunay na layunin ng lipunan b. Tama, dahil mahalagang makiayon ang bawat indibidwal sa layuning itinalaga ng lipunan c. Mali, dahil may natatanging katangian at pangangailangan ang bawat isang indibidwal d. Mali, dahil ang bawat indibidwal sa lipunan ang nararapat na nagtatakda ng mga layunin
  5. Kalayaan at pagkakapantay-pantay ang nararapat na manaig sa lipunan. Ang pangungusap ay: a. Tama, dahil ito ang mahalaga upang mangibabaw ang paggalang sa mga karapatan ng tao b. Tama, dahil ito ay inilaan na makamit ng tao sa lipunan ayon sa Likas na Batas c. Mali, dahil sa kalayaan, masasakripisyo ang kabutihang panlahat at sa pagkakapantay-pantay, masasakripisyo ang kabutihan ng indibidwal d. Mali, dahil sa kalayaan, masasakripisyo ang kabutihan ng indibidwal at sa pagkakapantay-pantay, masasakripisyo ang kabutihang panlahat

DRAFT

March 31, 2014

B. PAGTUKLAS NG DATING KAALAMAN

Mulat ka ba sa mga nangyayari sa lipunan sa kasalukuyan? Hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong mundo ay mapapansin ang hindi pagkakasundo o alitan ng mga tao. Hindi lamang mga contestant sa Ms. Universe ang maaaring mangarap ng kapayapaan sa mundo. Hindi man tuwirang nabibigkas ng maraming tao ay marami rin ang nangangarap ng matiwasay na lipunan, at marahil ay is aka sa mga ito. Pero paano nga kaya magkakaroon ng katiwasayan sa lipunan? Kung tatanungin kita ngayon, ano kaya ang maipapayo mo? Gawin natin ‘yan ngayon sa unang bahagi ng araling ito.

Gawain 1

  1. Sa unang bahagi ng gawaing ito ay mahalagang maibahagi mo muna kung ano ang larawan ng isang matiwasay na lipunan para sa iyo. Isulat mo ang mga katangian ng isang matiwasay na lipunan.
  2. Ang iyong sagot sa tanong na ito ay maaari mong maipakita sa malikhaing pamamaraan. Maaaring gumawa ng diorama o kaya naman ay gumuhit ng isang blueprint.
  3. Mahalagang maglakip ng maikling paglalarawan sa ginawang representasyon.

Gawain 2

Panuto: Sigurado akong nakakita ka na ng recipe para sa pagluluto ng isang pagkain. Malinaw na nakasulat dito ang mga sangkap at ang sukat ng mga ito. Nakasulat din ang malinaw na detalye ng paraan ng pagluluto nito. Kung isusulat natin ang recipe para sa matiwasay na lipunan, ano kaya ang sangkap nito at paano kaya ito makakamit? Gagawin mo iyan sa gawaing ito: RECIPE para sa MATIWASAY NA LIPUNAN… Ang magiging nilalaman nito ay ang mga sumusunod:  Sangkap na kinakailangan upang matiyak ang katiwasayan ng lipunan  Mga tiyak na sukat nito, katulad ng tasa, kutsara o kutsarita, kilo, gramo, at iba pa.

DRAFT

March 31, 2014

e. Nakatutulong ba ito sa pagkamit ng layunin ng lipunan? Magsulat ng komprehensibong paliwanag.

  1. Matapos nito ay gumawa ng isang komprehensibong ulat tungkol dito o maaari naman isang dokumentaryo na maaaring i-post sa social networking sites.
  2. Matapos maisagawa ang kabuuang proseso ay sagutin ang mga sumusunod na tanong: a. Ano ang maitutulong ng mga sektor ng lipunan na nabanggit sa pagkamit ng layunin ng lipunan? b. Ano ang maaaring maganap kung hindi matutupad ng mga sektor na ito ang kanilang mga tungkulin sa lipunan? c. Paano matitiyak na makatutulong ang lahat ng sektor na ito upang gawing matiwasay ang lipunan? d. Kung magkakaroon ng iisang layunin ang lahat ng sektor na nabanggit, ano kaya ang layunin na ito? e. Paano makatutulong ang mga sektor na ito ng lipunan sa pagkamit ng kaganapan ng iyong pagkatao?

D. PAGPAPALALIM

LAYUNIN NG LIPUNAN: KABUTIHANG PANLAHAT

Kapag nakakita ka siguro ng isang babae o lalaking katulad nila masasabi mong… “ Wow! Ang sosyal naman nila. Ang sarap sigurong maging sosyal, ano? ” Pero alam mong hindi mo kailangang maging katulad nila para matawag kang sosyal. Ikaw ay likas na sosyal dahil ikaw ay nilikhang sumasalipunan, isa kang panlipunang nilalang. Ito ang isa sa mga mahahalagang kaalaman na iyong natutuhan mula sa iyong mga aralin noong ikaw ay nasa ikawalong baitang.

“Walang sinumang tao ang maaaring mabuhay para sa kaniyang sarili lamang”. Kinakailangan ng taong makibahagi at mamuhay sa lipunan, isa ito sa itinalagang likas na katangian ng mga nilikha ayon sa Likas na Batas. Ayon kay Dr.

Larawan ng isang babae at lalaki na “SOSYAL” Magara ang kasuotan, maraming alahas, may hawak na gadget, nasa tabi ng isang magarang kotse, napaliligiran ng maraming ilaw

Ang buhay ng TAO ay

PANLIPUNAN.

Larawan ng isang tao na napaliligiran ng maraming tao

DRAFT

March 31, 2014

Manuel Dy Jr., isang propesor ng Pilisopiya sa Ateneo de Manila Univeristy, ang buhay ng tao ay panlipunan. Makikita ito sa kabuuan ng ating pag-iral bilang tao – sa ating pagsasagawa ng mga bagay na kailangan upang mahubog natin ang ating sarili. Ang ating mga gawain ay panlipunan dahil natutuhan natin ito kasama sila. Ginagawa natin ito dahil mahalaga ang mga ito sa lipunan at iniaalay natin ito para sa ating kapwa. Halimbawa, ang simpleng gawain na paglilinis ng ating bakuran ay hindi makakasanayang gawin ng isang bata kung hindi ito itinuro ng pamilya. Nakalakihan itong ginagawa ng pamilya nang tulong- tulong. Mas nangingibabaw kaysa sa halaga ng mismong kalinisan ang pagsasama-sama at pagtutulungan. Bilang anak, alam mong iniaalay mo ang gawaing ito sa iyong mga magulang dahil alam mong ito ay makapagpapasaya sa kanila at kasabay nito, nakapag- aambag ang inyong pamilya sa kalinisan ng kapaligiran.

Kahit ang pagnanais na mapag-isa ay panlipunan. Di ba, kaya minsan gusto mong mapag- isa ay dahil nagtampo ka sa isang tao o kaya naman ay marami kang mga tanong sa iyong sarili na nais mong masagot upang mas mapalago mo ang iyong kakayahan na makipag-ugnayan sa iyong kapwa. Sa gitna ng pag-iisa, isinasaalang-alang mo pa rin ang iyong kapwa. Kung kaya, ang ating pagiging kasama-ng-kapwa ay isang pagpapahalaga na nagbibigay ng tunay na kaganapan sa ating pagkatao (Dy, M., 1994). At ang pagiging kasama-ng-kapwa ay makakamit lamang kung makikilahok at makikipamuhay ka sa lipunan.

Ngunit bago tayo magpatuloy sa pagtalakay tungkol sa lipunan, mahalagang maunawaan mo ang kahulugan nito. Ano nga ba ang lipunan? Ang salitang lipunan ay nagmula sa salitang ugat na “lipon” na nangangahulugang pangkat. Ang mga tao ay mayoong kinabibilangang pangkat na mayroong iisang tunguhin o layunin. Halimbawa, ang pangkat ng mga mamamahayag ay mayroong iisang tunguhin o layuning maghatid ng mga bagong balitang nagaganap sa bansa at maging sa daigdig. Tinitiyak nilang makararating ito sa mga tao sa iba’t ibang pamamaraan. Ang pangkat ng mga guro ay may iisang layuning magbigay ng kaalaman/edukasyon sa mga mag-aaral. Ang lipunan o pangkat ng mga indibidwal ay patungo sa iisang layunin o tunguhin. Kolektibo ang pagtingin sa bawat kasapi nito ngunit hindi naman nito binubura ang indibidwalidad o pagiging katang-tangi ng mga kasapi.

Sa kabilang dako, madalas na ginagamit ang salitang komunidad upang tukuyin ang lipunan. Mahalagang maunawaan ang pagkakaiba at pagkakaugnay ng dalawang salitang ito upang hindi maging sanhi ng kalituhan. Ang salitang komunidad ay galing sa salitang

“Ang ating pagiging kasama-

ng-kapwa ay isang

pagpapahalaga na

nagbibigay ng tunay na

kaganapan sa ating

pagkatao.”

DRAFT

March 31, 2014

Sa pamamagitan lamang ng

lipunan makakamit ng tao

ang layunin ng kaniyang

pagkakalikha.

magwika o magsalita dahil likas na nilikha ng Diyos ang tao na sumalipunan. Ayon kay Dr. Manuel Dy, hindi gawa ng dalawang tao ang wika; galing ito sa lipunan. Sa pamamagitan ng wika, sumasalipunan ang tao hindi lamang dahil nililikha niya ito kasama ang kaniyang kapwa kundi dahil natutuhan niya ito mula sa kaniyang kapwa at ginagawa para sa kapwa. Ang kaalaman at pagmamahal ay kapwa maibabahagi lamang sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kapwa. Pangalawa, hinahanap ng taong mamuhay sa lipunan dahil sa kaniyang pangangailangan o kakulangan mula sa materyal na kalikasan. Mahalaga ring makipag-ugnayan siya sa kaniyang kapwa upang matugunan ang pangangailangang ito at mapunuan ang kaniyang kakulangan. Hindi makakamit ng tao ang kanyang kaganapan kung hindi matutugunan ng lipunan ang kaniyang mga pangangailangan. Hindi lamang ito materyal na pangangailangan kundi mas higit ang tulong na maaaring maibigay ng lipunan upang magamit natin ang ating isip at kilos-loob at mahubog ang mga birtud. Halimbawa, upang mapagyaman natin ang ating kaalaman, kailangan ng tao ng edukasyon na naibibigay sa tulong ng mga guro.

Ayon kay Santo Tomas Aquinas, may akda ng aklat na Summa Theologica, sa pamamagitan lamang ng lipunan makakamit ng tao ang layunin ng kaniyang pagkakalikha. Mahalaga sa pagpapakatao ang pagkilala ng tao na kailangan niya ang lipunan dahil binubuo siya ng lipunan at binubuo niya ang lipunan (Dy, M., 1994). Malaki ang magagawa ng lipunan sa paghubog ng iyong pagkatao. Mayroon itong impluwensiya sa paraan ng iyong pag-iisip at pagkilos. Lahat ng iyong iniisip, nararamdaman, sinasabi at ginagawa ay naiimpluwensiyahan ng lipunan na iyong kinabibilangan.

Sa lipunan, nagkakaroon ang tao ng pagkakataong maipakita ang pagmamalasakit, ang tumulong at matulungan sa panahon ng pangangailangan. Naipakikita ang pagmamalasakit na ito sa pagdamay at bukas-palad na pagtulong sa kapwang walang hinihintay na kapalit. Dahil dito, umuusbong ang pagtitiwala sa kapwa na siyang dahilan ng sama-samang pagkilos tungo sa isang mithiin. Nangingibabaw sa pagkakataong ganito na hindi lamang ang personal na kabutihan ng indibidwal ang nilalayon ng lipunan kundi ang kabutihang panlahat.

Binubuo ang TAO ng

LIPUNAN.

Binubuo ng LIPUNAN ang

TAO.

Naranasan mo na ba ang tumulong sa iyong kapwa – tulad ng pagbabahagi ng iyong baon para sa isang matandang nagugutom o pagbibigay ng iyong mga damit para sa mga nasalanta ng kalamidad? Sa ganitong pagkakataon, nakaakit ka ba ng kapwa mo mag-aaral na tumulong? Nakaramdam ka ba ng galak dahil sa iyong ginawa? Ano ang magandang maidudulot ng iyong ginawa para sa lipunan?

DRAFT

March 31, 2014

Bigyan naman natin ng linaw ang kahulugan ng kabutihang panlahat. Ano nga ba ang kabutihang panlahat? Sa simpleng salita, masasabing ito ay kabutihan para sa bawat isang indibidwal na nasa lipunan. Ito ay isang pagpapahalagang naiiba sa pansariling kapakanan. Mahalagang maunawaan mong ang tunguhin ng lipunan ay hindi ang kabutihan lamang ng indibidwal o ang koleksiyon ng indibidwal na kabutihan ng mga taong bumubuo nito. Kapag ganito ang paniniwalang mangingibabaw, patuloy na mabibigyan ng laya ang mga malalakas na apihin ang mga mahihina. Ang tunay na tunguhin ng lipunan ay ang kabutihan ng komunidad na nararapat na bumalik sa lahat ng indibidwal na kasapi nito. Kaya sinasabing may kaugnayan ang tao bilang yunit ng lipunan at ang kabutihang panlahat ay dahil sa ang kabutihang panlahat tinatanggap ng bawat indibidwal na sumasalamin sa kabuuan. Ngunit tandaan mong mayroong pagkakaiba ang kabutihan ng nakararami sa kabutihang panlahat. Ang pag-iral ng nakararami ay nananatiling nag-iiwan ng ilang kasaping hindi makatatanggap ng kabutihan. Ang isakripisyo ang buhay ng isang taong nahatulan ng habang-buhay na pagkabilanggo upang subukan ang gamot na maaaring makatulong sa mga taong may karamdamang hindi pa natutuklasan ang lunas ay maaaring maging katanggap-tanggap kung paiiralin ang kabutihan ng nakararami. Ngunit magiging katanggap-tanggap lamang ito bilang kabutihang panlahat kung kusang-loob na inialay ng bilanggong ito ang kaniyang buhay para sa kagalingan ng lahat ng may sakit at sa mga taong posible pang dapuan nito sa matagal na panahon.

Mahalagang bigyang-diin na hindi nangangahulugang magkahiwalay ang personal na kabutihan sa kabutihang panlahat. Sa katunayan, magkaugnay ang dalawang ito. Ipinaliwanag ni Sto. Tomas Aquinas na ang tunguhin ng lipunan ay kailangang pareho sa tunguhin ng bawat indibidwal. Nangangahulugan ito ng pagiging tugma ng personal na kabutihan sa kabutihang panlahat. Ibig sabihin, hindi dapat ihiwalay ng mga tao ang kani- kanilang sarili sa paghanap ng makabubuti sa bawat isa sa kanila kundi ang magtipon upang hanapin ang kabutihang panlahat na magkakasama. Sa analogong ito halimbawa, ang pag-asam ng pagkakaroon ng malusog na puso o kaya malusog na baga, ay makakamit sa pagiging bahagi nito sa katawan subalit hindi kailangang ihiwalay ang bahaging ito ng katawan upang makamit ang layuning ito. Kailangan lamang na tugma ang layunin ng bawat

Kabutihan ng LAHAT, hindi

ng NAKARARAMI.

DRAFT

March 31, 2014

Mga Elemento ng Kabutihang Panlahat

Ang kabutihang panlahat ay binubuo ng tatlong mahahalagang elemento (Compendium of the Social Doctrine of the Church)

  1. Ang paggalang sa indibidwal na tao. Dahil ang kabutihang panlahat ay nagpapahalaga sa kalikasan ng tao, hindi ito lubos na iiral kung hindi kikilanin at pahahalagahan ang kaniyang dignidad. Sa dignidad nakakabit ang iba’t ibang karapatang kailangang igalang at hayaang gamitin ng tao sa lipunan. Upang maging makatarungan ang isang lipunan, kailangang nasisiguro ng namumuno dito na ang karapatan ng bawat indibidwal ay kinikilala, iginagalang, pinoprotektahan at pinahahalagahan. Halimbawa nito ay ang paggamit ng tao ng kaniyang bokasyon tungo sa paglinang ng kaniyang sarili. Gayundin ang protektahan ang kaniyang karapatang kumilos ayon sa dikta ng konsensya. Mas malawak itong tatalakayin sa mga susunod na aralin.
  2. Ang tawag ng katarungan o kapakanang panlipunan ng pangkat. Ang pag-unlad ang kabuuang pokus ng panlipunang tungkuling kailangang maibigay sa mga tao. Karaniwang sinusukat ito halimbawa sa mga pampublikong sistema ng pangangalaga sa kalusugan; epektibong pampublikong pangkaligtasan at seguridad; kapayapaang namamagitan sa bawat bansa sa mundo; makatarungang sistemang legal at pampolitika; malinis na kapaligiran at umuunlad na sistemang pang-ekonomiya. Ang mga nabanggit ay mayroong malakas na epekto sa kapakanan ng mga kasapi ng pangkat. Mahalagang may mamagitan upang masigurong nakakayanan at nararating ang mga ito ng bawat isa sa lipunan. Kapag nangyayari ito, natutugunan ang tawag ng katarungan o kapakanang panlipunan ng pangkat.
  3. Ang kapayapaan (peace). Kalimitang sinasabi na ang kapayapaan ay ang pagkakaroon ng katahimikan, kapanatagan o kawalan ng kaguluhan sa lahat ng aspekto ng buhay tulad ng isip, kalooban, pamilya, lipunang ginagalawan at iba pa, subalit ang kapayapaan ay resulta ng pagkakaroon ng katahimikan, kapanatagan at kawalang ng kaguluhan. Mayroong kapayapaan kapag iginagalang ang bawat indibidwal at umiiral ang katarungan. Ang kapayapaan ay

DRAFT

March 31, 2014

indikasyon ng pagkakaroon ng kabutihang panlahat, ang katatagan at seguridad ng makatarungang kaayusan. Kailangang nabibigyan ng seguridad ang lipunan at ang mga kasapi nito sa mabuti at maayos na pamamaraan. Gayunpaman, may pagkakataong hindi natutugunan ang kabutihan ng lahat kaya’t may mga pagkilos sa lipunan na isinasaalang-alang ang kapakanan ng mas nakararami. Kaya sa abot ng makakaya ay sa lahat , ngunit kailangang maunawaan ding may pagkakataong tamang ganapin ang para sa nakararami. Hindi kailangang magresulta ito sa away o gulo at maaari itong daanin sa diyalogo.

Pinapakahulugan ng mga elementong ito na ang kabutihang panlahat ay hindi lamang nangyayari nang kusa. Upang makamit at mapanatili ang kabutihang panlahat, nangangailangan ng sama-samang pagkilos ng mga tao, hindi ng iilan lamang kundi ng lahat. Halimbawa, kahit na anong pagnanais ng pangulo ng isang bansa na matiyak na hindi mananaig ang korapsyon sa pamahalaan, hindi siya magtatagumpay kung hindi ito yayakapin ng lahat ng mga namumuno sa ilalim ng kaniyang pamamahala. Alam ng lahat na kung ganap sanang maiiwasan ang korapsyon sa pamahalaan, mas malaki ang pondong mailalaan para sa edukasyon, kalusugan, imprastraktura at marami pang iba, na magiging kapaki-pakinabang sa lahat mga mamamayan lalo na ang mga mahihirap.

Ayon kay Dr. Manuel Dy Jr., binubuo ng lipunan ang tao at binubuo naman ng tao ang lipunan. Binubuo ng lipunan ang tao sapagkat mula sa pagkasilang nariyan na ang pamilyang umaaruga at gumagabay sa kaniyang paglaki. Nariyan din ang kaniyang kapwa, ang paaralan, ang simbahan, ang batas na kaniyang sinusunod na may kani-kaniyang ambag sa paghubog ng iba’t ibang aspekto ng kaniyang pagkatao. Ang tao rin ang bumubuo sa lipunan sapagkat matatagpuan ang mga tao sa bawat bahagi nito. Kaya’t anuman ang ginagagawa ng tao para sa kabutihang panlahat ang siyang ibinabalik ng lipunan sa tao. Kaya’t ang bawat mamamayan ay may pananagutang mag-ambag para sa kabutihang panlahat. Lahat ay maaaring mag-ambag para sa pagkamit at pagpapanatili ng kabutihang panlahat, sa iba-iba mang pamamaraan dahil ito ay ayon sa kani-kaniyang kakayahan, katayuan at kinalalagyan sa lipunan. Totoo ito sapagkat hindi mo maibibigay ang anumang bagay na hindi mo taglay at hindi mo magagawa ang bagay na wala sa iyong kapangyarihang gawin.

Nakalulungkot nga lang isiping bagama’t nauunawaan ng ilan ang kahalagahan at kapakinabangan ng pag-ambag sa pagtamo ng kabutihang panlahat, may mga ilan pa ring hindi nakikisangkot at nakikiisa upang matamo ito. Ang hamon ng dating pangulo ng Amerika na si John F. Kennedy na: ‘Huwag mong itanong kung ano ang magagawa ng

DRAFT

March 31, 2014

na buhay na kailangang isaayos. Maaaring ikatuwirang hindi siya makikialam sa mga bagay na hindi naman tuwirang nakaaapekto sa kaniya.

  1. Ang pakiramdam na siya ay nalalamangan o mas malaki ang naiaambag niya kaysa sa nagagawa ng iba. Upang mapanatili ang kabutihang panlahat, hinihingi sa ilan ang mas malaki at mabigat na pananagutan kaysa sa iba. Halimbawa, upang kayanin ng mga mahihirap ang pagbili ng produkto, kailangang tanggapin ng negosyante ang mababang tubo o kita mula sa mga produkto; o ang pangkalusugang seguridad ay maging abot kaya ng lahat, ang health insurance ay may mababang premiums o ang doktor ay tumanggap ng mababang sahod. Ang tingin ng ilan sa ganitong sitwasyon ay hindi makatarungan.

Mga Kondisyon sa Pagkamit ng Kabutihang Panlahat

Tatlong kondisyon ang kailangan upang makamit ang kabutihang panlahat ayon kay Joseph de Torre (1987) sa kaniyang aklat na Social Morals.

1. Ang lahat ng tao ay dapat na mabigyan ng pagkakataong makakilos nang malaya gabay ang diyalogo, pagmamahal at katarungan. Mahalagang palaging nasa isip ng lahat ang tunay na kahulugan ng kalayaan dahil may panganib na isipin ng ilan na walang hanggan ang kaniyang kalayaan. Mahalaga ang diyalogo upang maibahagi sa bawat isa ang kanilang saloobin, damdamin at pananaw. Madalas na ang sanhi ng hindi pagkakaunawaan ng mga tao ay dahil sa kakulangan ng kakayahang mag- usap. Kung hindi mananaig ang pagmamahal at katarungan sa kaniya sa lahat ng pagkakataon, hindi ganap na kakayanin ng sinuman na isantabi sa ilang pagkakataon ang kaniyang pansariling kaligayahan at kapakanan para sa kabutihang panlahat. Ang dalawang pagpapahalagang ito ang susi upang makamit ng lipunan ang kaniyang tunay na layunin at tunguhin. 2. Ang pangunahing karapatang pantao ay nararapat na mapangalagaan. Hindi magiging ganap ang isang lipunan at ang mga taong kasapi nito kung hindi naigagalang ang kaniyang pangunahing karapatan bilang tao. Ang karapatan ang nangangalaga sa dignidad ng tao at nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay. Hangga’t nananaig ang diskriminasyon sa lipunan, nagpapahiwatig itong hindi pa ganap ang pagsasaalang-alang ng mga tao sa kabutihang panlahat. 3. Ang bawat indibidwal ay nararapat na mapaunlad patungo sa kaniyang kaganapan. Ang lipunan ang nararapat na maging isa sa instrumento upang makamit ng tao ang

DRAFT

March 31, 2014

kaniyang kaganapan bilang tao. Kung walang nagagawa ang lipunang kaniyang ginagalawan upang siya ay lumago bilang tao masasabing hindi pa tunay na patungo ang lipunan sa tunay nitong layunin, ang kabutihang panlahat. Maaaring hindi rin nagagawa ng bawat sektor ng lipunan ang kaniyang tunay na gampanin para sa tao sa lipunan. Tandaang binanggit sa unang bahagi ng babasahing ito na, binubuo dapat ng lipunan ng tao hindi lamang tao ang bubuo sa lipunan.

Kaya mahalaga ring matiyak na ang integridad at katatagan ng pamilya ay mapangalagaan dahil ang pamilya ang pangunahing yunit para sa paghubog ng mapanagutang mamamayang mulat sa tunay na kahulugan ng kabutihang panlahat.

Sa matagal na panahon, maaaring masyadong nakatuon ang iyong pansin sa iyong sarili lamang at sa pagtiyak na matutugunan ang iyong mga pangangailangan. Maaaring sinasabi mong masyado ka pang bata para ituon mo ang iyong pansin sa mga bagay na ito at wala ka pang kakayahan upang ganap na maunawaan at yakapin ito. Mahalagang maunawaan mong hindi namimili ng edad o antas sa buhay ang pagtiyak na mananaig ang kabutihang panlahat. Ito ay nakabatay sa iyong puso at pagmamalasakit sa iyong kapwa, na batid mo na sa unang bahagi pa lamang ng iyong pag-aaral ng Edukasyon sa Pagpapakatao, na imahe ng Diyos.

Tandaan, ang dignidad ng tao ay nangangailangan ng pagkamit sa kabutihang panlahat. Ganap lamang na masasabing tunay na kinilala ang dignidad ng lahat ng tao kung nananaig sa lahat ng pagkakataon ang kabutihang panlahat. Ang lahat ng tao ay nararapat na magmalasakit upang lumikha o sumuporta sa mga institusyong panlipunan at paunlarin ang kalagayan ng buhay ng bawat indibidwal na sumasalamin sa lipunan.

Alam kong mahirap pa itong isipin at ganap na yakapin sa kasalukuyan ngunit lahat ng bagay, gaano man ito kahirap ay magagawa kung talagang nais. Sabi nga, “Kung gusto, may paraan; kung ayaw, palaging may dahilan.”

Kung gusto mo ng matanggap ang kabutihan mula sa lipunan, paano ka naman tutugon sa hamon ng kabutihang panlahat?

Tayain ang Iyong Pag-unawa

  1. Ano ang kahulugan ng lipunan?

Hindi namimili ng edad o

antas sa buhay ang pagtiyak

na mananaig ang kabutihang

panlahat. Ito ay nakabatay sa

iyong puso at

pagmamalasakit sa iyong

kapwa.

DRAFT

March 31, 2014

PAGSASABUHAY NG MGA PAGKATUTO

Pagganap

Gawain 1

  1. Makipag-ugnayan sa guro at kamag-aral upang makapagsagawa ng isang survey tungkol sa mga suliraning kinakaharap ng komunidad o pamayanan.
  2. Ang suliranin ay maaaring pangkapaligiran, pangkapayapaan, pangkaayusan o pang-edukasyon. Maaaring may iba pang makita sa proseso ng pagsasagawa nito.
  3. Magsagawa ng pagtatanong sa mga naninirahan sa komunidad o pamayanan kung ano ang kanilang nakikitang suliranin sa kanilang paligid.
  4. Mahalagang isama ang mga namumuno sa komunidad o pamayanan sa isasagawang survey.
  5. Matapos maglaan ng panahon sa pangangalap ng datos ay gumawa ng pangkalahatang ulat ukol sa naging resulta ng survey.
  6. Pumili ng tatlo sa mga nakalap at iantas ang mga ito batay sa kahalagahan. Pumili ng tatlong pangunahing suliranin.
  7. Iulat sa klase ang kalalabasan ng survey gamit ang graph na mayroong maikling pagsusuri at pagpapaliwanag.

Gawain 2

Marahil bilang isang mag-aaral, iniisip mong masyado pang maaga para masubok kung kaya mo nang pairalin ang kabutihan sa iyong lipunang ginagalawan sa kasalukuyan. Ngunit mahalagang maunawaan mong bawat tao sa lipunan, anuman ang kaniyang katayuan sa buhay at edad ay mayroong pagkakataong magbahagi ng kaniyang magagawa upang matiyak na makakamit ang kabutihang panlahat.

Panuto:

  1. Mahalagang magamit ang mga konseptong natutuhan sa modyul na ito upang maisakatuparan ang gawaing ito. Sa gawaing ito ay magsagawa ka ng pagsusuri sa mga pagkakataon sa iyong buhay bilang isang mag-aaral at kabataan kung saan (1) napangibabaw mo ang kabutihang panlahat at (2) mas

DRAFT

March 31, 2014

napangibabaw mo ang kabutihan ng iyong sarili o ng iilan kaysa sa kabutihang panlahat.

  1. Maaaring isagawa ang gawaing ito sa pangkat. Maglaan ng panahon upang mag-usap bilang pangkat para sa pagbabahagi ng mga karanasan. Magpasya sa pangkat kung sino ang nakapagbahagi ng karanasang tunay na tutugon sa hinihingi ng gawain.
  2. Ilista ang mga ito gamit ang pormat sa ibaba. Pagkakataong Nangibabaw ang Kabutihang Panlahat

Naging Bunga Paraan kung paano ito mas mapagyayaman

Pagkakataong Nangibabaw ang Kabutihang Pansarili o Kabutihan ng Nakararami

Naging Bunga Nararapat gawin upang mas mapanaig ang kabutihang panlahat

Pagninilay

Nakakita ka na ba ng isang quilt? Ito ay pinagsama-samang piraso ng mga tela na pinagdugtong-dugtong sa pamamagitan ng pagtatahi. Maaaring makatulong sa iyo ang larawan sa ibaba:

Maaaring makipag-ugnayan ka sa iba pang mga mag-aaral na nasa paaralan upang isagawa ang gawaing ito. Makipag-ugnayan sa iyong guro para rito.

Panuto:

  1. Maglaan ng panahon upang makapag-usap ang lahat ng mga mag-aaral sa klase upang makabuo ng mga pangkat. Maaaring hatiin ang klase sa tatlo hanggang apat na pangkat.
  2. Ang bawat isang kasapi ng pangkat ay kailangang magbahagi ng mahalagang sangkap na kinakailangan upang matiyak na makakamit ang tunay na layunin ng lipunan - halimbawa, paggalang sa karapatang pantao.